Kumukulo ang dugo ng mga Pilipino ngayon dahil sa 10B Pork Barrel Scam. Pinaghahanap na si Napoles ngayon ng NBI. Eh nung isang linggo lang, nagpa-interview pa siya sa Inquirer. Tapos, pinagsigawan ng mga autoridad sa buong mundo na huhulihin siya. Eh di malamang magtatago nga 'yun. Sana hindi ninyo na lang sinabi na wanted siya. Hulihin ninyo na lang. Para kayong teacher na sinabi sa klase na magbibigay daw sya ng surprise quiz bukas. Tsk.
Habang binabasa ninyo ito, malamang ay malakas pa rin ang ulan at mataas pa rin ang baha sa inyo. Sigurado ako na binaha din si Napoles, pero hindi ng tubig - kundi ng pera.
Hindi isyu dito ang pagpapayaman o pagiging mayaman. Pero yung lolokohin mo yung sistema para makapagnakaw ka sa mga kababayan mo, kasuklam-suklam 'yun. Nakatira ako malapit sa airport at nakikita ko kung paano kumapit sa sasakyan ang mga batang hamog para humingi ng limos o mang-spot ng pagkakataong makakupit o mag-nakaw sa mga pasaherong walang kamuang-muang. Akala ko wala nang kasing-sama ang ginagawa nila. Sisiw pala 'yun kung ikumkumpara natin sa mga magnanakaw sa kongreso at senado.
Hindi ko na kayang pakinggan ang kantang Firework ni Katy Perry dahil naaalala ko yung party nung anak ni Janet na si Jeane. Kung hindi ninyo pa napapanood, ito yung video.
reaction ni Batman nang mapanood yung video ng party ni Jeane Napoles |
Sa araw-araw na tayo ay pumapasok at nagta-trabaho, napakahirap na hindi tayo maperwisyo. Lubak-lubak ang kalye na daraanan mo, at yung mga maaayos na kalye, lagi na lang binabakbak, dahilan para matrapik ka. Kung gusto mo mapabilis at iwasan ang trapik, gumising ka ng alas kwatro ng umaga, kahit na aantok-antok ka sa opisina. No choice eh. Kung gusto mo makaiwas ng trapik, mag-tren ka na lang, kaya lang siksikan naman sa MRT at LRT dahil sa kulang ang tren.
Kanina, pinasok ng baha ang bahay ninyo dahil hindi maayos ang drainage system ng lugar ninyo. Kasama ng maruming tubig ay basura at yung jebs ng kapitbahay ninyo. Nabasa at nasira marami sa gamit at kasangkapan mo. Bibili ka na naman ng bago, as if aabot ang pera mo sa susunod na sweldo. Sa kakahanap mo ng bagong gamit, nagutom ka, nag-jolibee ka. Isang kakapiranggot na kuyukot ang binigay sa iyo, halos trenta pesos, may VAT kasi. Kakain ka na lang ginag*go ka pa rin ng gobyerno.
Sa kagustuhan mong maka-angat sa buhay, ginusto mo na mag-negosyo, pero parang halos walang kita, dahil sa taas ng buwis, lalo na kung taga Quezon City ka.
At dahil sa kahirapan, at kawalan ng oportunidad dito, mapipilitan kang mag-OFW at iwanan ang pamilya mo. Sa mga huling sandali mo dito sa bansa natin, mamemerwisyo ka pa rin, dahil hindi gumagana yung aircon ng airport at mabaho at marumi yung CR.
Lahat ng 'yan, isama pa ninyo 'yung pagkalam ng tiyan ng mga mahihirap, at yung mga walang matulugan ngayong gabi sa lansangan dahil kahit saan baha, iyan ang resulta ng pagnanakaw ng pera ng taumbayan.
Maaatim ba ninyo na hanggang anak ng mga anak natin ay ganito pa 'rin ang kalakaran nila? Ako hindi.
Kaya sa August 26, sasali ako sa malawakang pagkilos laban sa Pork Barrel. Hindi ko matitiis na 'yung mga maliliit na tao tulad ng mga mahihirap, 'yung mga walang boses at mga walang kalaban-laban ay panghabambuhay na nanakawan ng mga corrupt at dorobo. Sana sumama ka 'rin, at isama mo mga kaibigan mo, kapamilya mo, at mga kaopisina mo. Para ito sa kinabukasan ng bayan. Kita-kits sa Luneta!
PS:
Tutal abot hanggang langit ang panggagalaiti natin sa Pork Barrel, sana naman ay maging susi itong isyu na ito para magbago na rin tayo. Hindi naman ang pork barrel talaga ang ugat, kundi ang corruption. Sa ating maliit na paraan, tigilan na natin lahat ng katiwalian at corruption. Huwag nang mag-bigay ng lagay kay cheif. Huwag nang bigyan ng envelop si engineer o si mayor o si kapitana. Kung lahat gagawin ang dapat gawin nang hindi humihingi o umaasa sa lagay o pampadulas, at lahat tayo tapat sa ating tungkulin, uunlad tayo. Mas marami ang mag-iinvest sa atin at mas malakas ang pasok ng pera, at yung pera na 'yun makakarating ng buo sa mga nararapat tumanggap. Sana ay sa atin na rin magsimula ang pagbabago.
No comments:
Post a Comment